Monday, May 28, 2007

Kasalanan ko sa Taong Grasa

Di ko na naituloy ubusin ang pagkain ko. Nakaka-depress talaga.....

Dahil sa kawalan ng oras na maghanda ng makakain, niyaya ko si Mina at kapatid nitong si Eric na kumain na lamang sa isang karinderya sa Palengke malapit sa amin. Madalas na kaming kumakain dito lalo't gabing gabi na kami nakakarating sa aming lugar.

Naihanda na sa amin ang aming order, tapsilog at porksilog. Habang kumakain, naikwento ko kay Mina kung kaano ako ka lungkot. Talo kasi kami ng 3 sunod sa Badminton Game, kakalungkot talaga. Hanggang pagkain, dala ko pa.

Habang kumakain, may napansin akong pumwesto sa likod namin, hindi ko na nilingon sa pagaakalang isang customer lang na oorder din ng pagkain. Pero, sa likod ni Mina, biglang bumulalas, "Akin na to....." sabay hablot sa pinggang kinakainan ni Mina.

Hinablot ko rin ang pinggan, sa lakas ng paghablot ko, di na nya nakuhang hablutin pa ulit. Balak ko pa sanang bigwasan dahil sa pagaakala ko, ipapalo sa ulo ni Mina ang plato. Saka ko napagtantong TAONG GRASA pala iyon, ang nais lang ay makakain. Lumayo sya unti unti habang sumasambit... "Kakain...kakain.." hanggang sa lumayo.

Sa pagkakataong iyon, lalo akong nanlumo. Hindi ko alam kung magagalit ako sa may-ari ng karinderya, magagalit ako sa sarili sa ginawa ko, or sobrang awa ko rin sa sarili ko sa pagkakataong makatulong sa nangangailangan. Tuluyan na akong nawalan ng gana. Pilit kong nililingon ang Taong Grasa pero di ko na matanaw. Parang binuhusan ako ng malamig na tubig, nagkubli ang liwanag.

Natural daw ang nararamdaman ko, wika ni Mina. Umabot sa puntong galit na galit ako tapos biglang naghina, sa kadahilanang gaya ng naranasan ko. Pinakalma na lamang nya ako.

Umasa pa akong sana'y bumalik ang Taong Grasa, sa pagkakataon sanang iyon, pakakainin ko sya pero malamang, nanaig din ang takot sa kanya na laong nakakapagpa konsensya sa akin hanggang ngayon.

0 comments:

 

blogger templates | Make Money Online